Malakas na pintig ng puso ko lang ata ang naririnig ko nang mga panahong iyon – isang kakaibang pakiramdam ang sumalubong sa akin, at tila ba’y binuhusan ako ng malamig na tubig mula sa kinatatayuan ko, nang makita ko ang username niya. Sa halos dalawang buwan na nakilala ko siya’y, noon na lamang kami ulit nagkaroon ng interaction sa social newtorking site na iyon, matapos ang napakatagal na pananahimik niya sa bawat mensaheng ipinapadala ko sa kanya.
Minsan, hindi ko lubos maisip kung pagmamakaawa na ba ang ginawa kong hakbang, na hindi bumitaw sa kung ano ang maaari pa naming maisalba, sa isa sanang magandang pagsasamahan. Maraming dumating, nang nawala siya, pero noon ko lang ulit naramdaman ang damdaming “may binabalik-balikan” ako.
Nang makita ko ang ginawa niyang pag-favorite sa isang post ko, ay biglang nanlamig ang katawan ko. Namamalikmata lang ba akong talagang ginawa niya ‘yon? Hindi, baka nga natuwa lang siya sa sinabi ko. Nang banggitin ko siya sa sumunod na post ko’y, sumagot siya
Hindi nga ako namamalikmata. Talagang pinansin na niya ako! New Year’s wish come true ko na nga ata ang nangyari – na sa wakas, ay nagkapansinan na kami ulit. Sana’y, makapagsimula na kami ulit, sa mga bagay na hindi kami napagdulutan ng pagkakataon. Agad-agaran ko siyang tinawagan, at sa saglit na kami’y nagkausap, dumaloy ang unang luha ko, sa taong 2013.
Akala ko’y matatagalan pa ang susunod, pero nagkamali ako.
Kinaumagahan (kanina), ay naglakas loob akong tanungin siya kung ano ang naging dahilan ng pagpansin niya sakin muli. Alam kong, mas mabuti na ipinagpasalamat ko na nagkausap kami ulit, ngunit ang bagay na ito’y hindi matatahimik sa aking isipan. Doon ko nalaman ang tugon niya:
“Hmm ayokong umasa ka, pero as of now friendshp lang muna ang kaya kong ibgay. Ayoko muna paasahn ang sarili ko sa mga fairytale love story na minsan natin nagawa. If you know what I mean..”
At sa hindi ko inaasahang pagkakataon – sa pangalawang pagkakataon, tumulo ang luha ko nang may ngiti sa mga labi, at kumikirot na puso.