Kay bilis nga naman ng paglipas ng panahon. Parang kahapon lang, nang una akong magblog dito sa WordPress ng tungkol sa Valentine’s Day. Ngayon, unti-unti kong naaalala na nakaisang taon na pala nang huli kong ipagdiwang ang February 14.
Ngayon sakto na apat na buwan na akong “Status: Single”, hindi nakapagtatakang bumalik ang damdamin na nararamdaman ko bago ko pa nakilala ang dati kong kasintahan. Ngayon, kaisa na ako ng mga nagnanais na mag February 15 na agad. At katulad ng ilang mga kasama ko sa Kapnayan, ay nagpapakasubsob muna sa aral, o kaya’y nagpapakasaya sa kasagsagan ng aming Foundation Week sa Adamson.
Sa totoo lang, kanina lang talaga napagtanto na bukas na nga ang Araw ng mga Puso. At kahit na itanggi ko man sa karamihan, na hindi ko ito iniinda, talagang hindi ko maiwasang maisip kung maipagdidiwang ko ba ng matino ang araw na iyon.
Ngunit ang mas nakagugulo ng isip ko, ay kung bakit sino pa ang matino – kung sino pa ang nagmahal ng totoo, at niloko ng taong minahal niya, siya pa ang nag-iisa ngayong Araw ng mga Puso? At bakit kung sino pa ang nanloko, ay siya pang may kapiling na ngayong iba, at masaya?
Siguro’y sadyang ganito lang talaga ang buhay: Hindi mo lahat makukuha. Ngunit may siguradong dahilan sa lahat ng mga nararanasan natin. Sabi nga sa isang patalastas sa TV “Bilog ang mundo” – at alam kong hindi ako mananatiling malungkot ng matagal na panahon. Kaya naman, hindi ko maipagdiwang ang Valentine’s Day ng may kasamang “special someone”, sigurado akong hindi ako magmumukmok tulad ng karamihan.
Konting hintay pa. :)
Posted from WordPress for BlackBerry.