Lampas alas-onse na naman ng gabi. Pero, tulad ng mga taong patuloy na naglipana sa mga sidewalk ng Adriatico, ay gising na gising pa rin ang diwa ko – hindi alintana ang pagod na pinagdaanan maghapon sa eskwela. Madaling madali ako sapagkat ako’y balisa. Balisa dahil sa paligid na kahit ba ilang beses ko nang nadadaanan sa loob ng isang linggo, ay hindi pa rin ako nagkaroon ng kumpiyansa sa sarili na mag-venture out ng mag-isa.
Walang pinagkaiba ang gabi na ito – hindi nawala ang party mode ng karamihan sa mga mag-aaral. Siguro’y dahil ito sa long weekend na naman, o dahil tapos na ang klase. Grupo-grupo na naman ang marami sa Bellagio Square. Magkahalong amoy ng usok ng yosi, at alak ang nalalanghap ko, habang sinusuong ko ang sarili ko sa isang malaking grupo. At sa kilos ko na ito, ay hindi ko namalayan ang isang binata na halos ka-edad ko – maputi, tsinito, at nakaputi na pantalon at polo, ang napatingin sa akin at binigyan ako ng isang ngiting hindi ko alam kung paano ko susuklian. Nahihiyang ngumiti naman ako, pero sadyang nagmamadali lang ako, at kahit gusto ko pa sana magtagal, kahit para lang makita pa siya ng matagal-tagal.
Pero, pass muna ako sa ganyang bagay ngayon. Kahit ngayon lang. Paliko na ako ng Mabini, nang makita kong naglalakad siya papalapit sa akin. Oh Lord, bakit naman ngayon mo pa ako tinutukso?
“Hey, you dropped something. Technika player ka pala? Sa Timezone sa Rob ka rin naglalaro?”.
At iniabot niya sa akin ang isang itim na card – Technika 3 card ko pala. Lumuwa siguro sa mababaw na bulsa ng jacket ko. Tumigil ako sa paglalakad, at tinanong niya kung saan ako papunta. Nakakagulat, pero sa awkward moment namin, ay pumayag siya na samahan ako. Mukhang mas kabado pa ata sa akin itong kasama ko, habang binabagtas namin ang daan, kung saan naglipana ang mga KTV Bar, at ang mga babaeng nasa kalsadang nagaabot ng flyers. Kung hindi lang ako balisa at nagmamadali, baka ako na mismo ang nag-alis ng kabang nasa matipuno niyang harapan.
Sino ba naman ang hindi maiilang sa gwapong kasama ko? Hindi nga ako makafocus sa daan dahil iniisip ko ang lalaking ito na naglalakad nang halos dikit na sa gilid ko. Ewan ko. Kung bakit naman kasi sa mga gulong pagkakataon ko sila dadating. Nakasasama lang ng loob, pero ganun talaga.
Hindi ko na patatagalin. Sa di kalayuan, nakakita rin kami ng lugar kung saan makakakuha ako ng kailangan ko. Hindi naman siya nag-atubiling sumama sa akin, dahil wala naman daw siyang gagawin sa Bella, umuwi na ang mga blockmates niya.
(ipagpapatuloy)