Ayokong Umasa Ka

Malakas na pintig ng puso ko lang ata ang naririnig ko nang mga panahong iyon – isang kakaibang pakiramdam ang sumalubong sa akin, at tila ba’y binuhusan ako ng malamig na tubig mula sa kinatatayuan ko, nang makita ko ang username niya. Sa halos dalawang buwan na nakilala ko siya’y, noon na lamang kami ulit nagkaroon ng interaction sa social newtorking site na iyon, matapos ang napakatagal na pananahimik niya sa bawat mensaheng ipinapadala ko sa kanya.

Minsan, hindi ko lubos maisip kung pagmamakaawa na ba ang ginawa kong hakbang, na hindi bumitaw sa kung ano ang maaari pa naming maisalba, sa isa sanang magandang pagsasamahan. Maraming dumating, nang nawala siya, pero noon ko lang ulit naramdaman ang damdaming “may binabalik-balikan” ako.

Nang makita ko ang ginawa niyang pag-favorite sa isang post ko, ay biglang nanlamig ang katawan ko. Namamalikmata lang ba akong talagang ginawa niya ‘yon? Hindi, baka nga natuwa lang siya sa sinabi ko. Nang banggitin ko siya sa sumunod na post ko’y, sumagot siya

Hindi nga ako namamalikmata. Talagang pinansin na niya ako! New Year’s wish come true ko na nga ata ang nangyari – na sa wakas, ay nagkapansinan na kami ulit. Sana’y, makapagsimula na kami ulit, sa mga bagay na hindi kami napagdulutan ng pagkakataon. Agad-agaran ko siyang tinawagan, at sa saglit na kami’y nagkausap, dumaloy ang unang luha ko, sa taong 2013.

Akala ko’y matatagalan pa ang susunod, pero nagkamali ako.

Kinaumagahan (kanina), ay naglakas loob akong tanungin siya kung ano ang naging dahilan ng pagpansin niya sakin muli. Alam kong, mas mabuti na ipinagpasalamat ko na nagkausap kami ulit, ngunit ang bagay na ito’y hindi matatahimik sa aking isipan. Doon ko nalaman ang tugon niya:

“Hmm ayokong umasa ka, pero as of now friendshp lang muna ang kaya kong ibgay. Ayoko muna paasahn ang sarili ko sa mga fairytale love story na minsan natin nagawa. If you know what I mean..”

At sa hindi ko inaasahang pagkakataon – sa pangalawang pagkakataon, tumulo ang luha ko nang may ngiti sa mga labi, at kumikirot na puso.

Advertisement

Ang Tipo Kong Mahalin

Aaminin ko.

Hindi ako kasing gwapo ni Slater Young, o singkit tulad ni Xian Lim. Hindi ako gifted kumanta at mag-rap tulad ni Elmo Magalona, at parehas kaliwa ang paa ko, hindi tulad ni Sam Concepcion. Wala akong smile tulad ng kay Mario Maurer, at mas lalo namang wala akong charm tulad ng kay David Archuleta. Isa lamang akong hamak na mag-aaral ng Kapnayan (Chemistry Major) na dinadaan sa pagiging makata ang panunuyo ko, kahit na 2012 na.  In short korni ako, este, simpleng tao lang.

Kaya naman hindi ako kasing pihikan ng iba, pag dating sa paghahanap ng mamahalin. Yung iba, mas mahaba pa sa wishlist ni Santa Claus ang hinahanap sa magugustuhan. Ang simple naman para sa simple din eh? Kapag nagmamahalan lang ng wagas, saka nagiging ‘perfect’ ang feeling sa piling ng isa’t-isa.

Kaya ko lang naisip ‘to, kasi munan na niyang nasabi sa akin “Salamat, dahil nagustuhan mo ako kahit wala ako sa standards mo? :* “.  Napaisip tuloy ako: Ano nga ba ang tipo ko sa isang taong mamahalin ko?

Gusto ko yung mas matangkad sakin, at nakasalamin! Kasi gusto ko nang may aabutin, at tatanggalan ng salamin kapag hahalikan ko siya. Yung ngingiti nang walang sasabihing rason, at kung meron man, ang sasabihin niya “naiisip ko kasi yung mahal ko” Yung game sa kahit anong gagawin niyo kapag magkasama kayo, mapa-arcade man, o merienda basta’t nag-eenjoy siya at saka ako. Yung magvivideoke kayo, tapos kakantahan ka ng paborito mong kanta. Yung sweet, kahit minsan masungit, na kahit masungit, alam mong gusto lang din niya na sinusuyo mo siya.Yung kapag manunuod kayo ng horror movie, kayakap mo siya kapag manunuod at kahit na hindi ka natatakot, gusto mo na yakapin siya lalo, o ibaon ang mukha mo sa bisig niya kasi feel mo lang? Yung kakain kayo ng spaghetti pasta at gagayahin niyo yung sa Lady and the Tramp? Kilig diba?

Yung kahit na malayo kayo, tuluy-tuloy lang ang tawag at Skype, at siya yung last text mo sa gabi, at first text kapag nagising ka sa umaga. Haaay. Ang saya lang, diba?

At kahit sino ang nakakausap niyo, alam mong ikaw lang din ang nasa puso at isip niya, kasi buo ang tiwala niyo sa isa’t isa.

 

Habang pinopost ko ito, nag blink ang BlackBerry phone ko. Nagtext na siya :) Buo na naman ang hapon ko. Kasi kahit may nagiging gusot, kapag naaalala ko lahat ng masayang nangyayari samin, alam kong pasok na pasok siya sa standards ko. At siya lang ang mamahalin ko ng ganito.

 

Ikaw ba, ano ba ang tipo mo?